

Maagang Pagbubuntis, Problemang Nakababahala

Sa panahon ngayon, patuloy na tumataas ang kaso ng maagang pagbubuntis sa bansa kung kaya’t ito ay nagiging isa sa lumalaking problema sa kasalukuyan. Kaya’t naitatanim sa isipan ng nakararami, tunay nga bang ang kabataan ang pag-asa upang makamit ang magandang kinabukasan?
Labis na nababahala ang pamahalaan dahil sa pagtaas ng kaso nito lalo pa’t pabata ng pabata ang mga kababaihang nabubuntis sa panahon ngayon. Dahil dito, nagtalaga ang gobyerno at iba’t ibang departamento ng pamahalaan ng mga programa upang matigil na ang pagtaas nito.
Ayon kay Ginoong Jose Bembong, kinatawan ng Department of Social Welfare and Development sa lungsod Laoag, tinatayang 107 na kaso ng maagang pagbubuntis ang naitala sa lungsod at pito rito ay nasa apatnapung taong gulang pa lamang kung kaya’t wala pang gaanong nalalaman sa tunay na reyalidad.
Dagdag pa niya, ang pagkakaroon ng matatag na ugnayan sa pamilya, paaralan at komunidad ay isang bagay na dapat patibayin para masigurado ang pagkakaroon ng matatag na seguridad upang maiwasan ang mga bagay na maaaring maging sanhi ng maagang pagbubuntis.
Ayon naman kay Governor Matthew Marcos Manotoc mula sa Ilocos Norte, mahigit 122 na bagong kaso ang naitala mula pa sa nakaraang taon. Pinapatunayan lamang nito na ang kaso ng maagang pagbubuntis ay isa sa mga problemang panlipunan na kinakaharap ng bansa.
Ayon naman sa pahayag ng Sarrat National High School, kinakailangan ng mga kabataan ng gabay, pag-unawa at dagdag kaalaman tungkol sa sekswalidad at responsibilidad upang sa gayon ay hindi na madagdagan ang kaso ng maagang pagbubuntis.
Ang pagtaas ng maagang pagbubuntis ay isang problemang panlipunan na nagbibigay ng panganib sa kabataan ngayon. Hindi maikakaila na ang problemang ito ang siyang nagiging dahilan ng paghihirap ng mga mamamayan.
Ang pagkakaroon ng pamilya ay parte na ng buhay ng isang tao ngunit ang mga kaganapang ito sa buhay ay mayroong tamang oras at hindi kailangang madaliin. Ito ay isang bagay na dapat pag-isipan at pagplanohan dahil kung hindi ay maaaring magdulot ng hindi kanais-nais na resulta. Ang paghihintay sa tamang oras ay mas mabuti kaysa maghirap sa hinaharap.